September 19, 2008
Cards, cards, cards.
Kahapon, hinulaan ako ng co-officer ko. Di ko naman talaga gusto magpahula sa kadahilanang sabi ko, masaya talaga ako ngayon. Masaya. Subalit sinubukan ko na din sa pagsasakaling mabibigyang palaisipan ang mga pangyayari sa aking buhay.
At nagpahula nga ako.
Ilang puntos:
1. In love na in love daw ako, kami. Bibihira lumabas ang ganoong set ng mga baraha. Yung tipong sobrang pinapahalagahan namin ang isa’t isa. Mahalaga para sa amin ang isa’t isa. Halos walang problema, at parang walang magiging problema. Walang ibang taong sangkot, kami lang dalawa.
2. Di pa raw ako magtutuloy ng law. Parang ganun na nga, bagaman di lubusang ganoon. Syempre nga naman natural para sa isang tulad ko na magpatuloy na kaagad ng pag-aaral. Subalit tinatantya ko din ang aking kakayahan. Parang gusto ko muna magpahinga, at kumita ng pera sa paraang hindi gaano nakakapagod. Gusto ko munang ipanumbalik ang dati kong kalusugan at makatulong kahit papaano sa aking pamilya. Iyon ang gusto ko mangyari. Gustuhin ko man magtuloy na ng law, parang di kakayanin ng kalusugan ko. Titingnan ko pa rin sa mga susunod pa na araw kung may magbabago.
3. Nagbabago daw ang interes at nakakahiligan ko. Ano pa ba naman iyon kundi pagsusulat pa din at pagsasalita sa harap ng karamihan. Yun nga lamang hindi ko lubusang nagagawa ang mga bagay na ito dahil sa kasalukuyan kong posisyon. Ganoon man, “walang makapipigil sa akin!” Magugulat na lamang sila balang-araw na malalathala na ang kasaysayan ng aking buhay, at walang ibang sumulat kundi ako mismo, sa paraang matapat, sa paraang alam ko.
4. Makakadisgrasya daw ang kapatid ko. Sinasabi na nga ba. Pero sino sa kanila? Pero naku naman, dapat iwasan ito. Hindi lahat ng hula ay totoo.
5. Parents. Magiging conflict sa oras na gustuhin na namin ng magiging kabiyak ko na mag-isang dibdib. Marahil ganoon nga. Ang tanong ko kasi, kung ano ang magiging problema sakaling pareho na kaming stable at nagtutuloy na ako ng law. Well. Hayun, parents. Dahil ba sa pangarap nila na makatapos ako ng law na dalaga pa? I’ll cross the bridge when I get there.
6. Masyado daw namin mahal ang isa’t isa na minsan di na namin napapansin ang mga bagay at tao sa paligid namin. Oo na, oo na. Ganun talaga kapag nagmamahal. Nabubulag, nababaliw. Ganun talaga. Pag nagmamahal.
7. Muntik ko na malimutan, ako daw ay nasa turning point ng aking buhay. Lagi na lang….. kelan ko iyon sa wakas malalampasan?
Ilang puntos na kumiliti sa aking mura at mura pa ring kaisipan. Basta sa ngayon , hangad ko na matapos na itong lahat at maging kapaki-pakinabang na ako sa mga taong totoong nagmamahal sa akin. Yun lang.
Filed by erald17 at 12:07 pm under
1 Comment